Isang Pagsusuri mula kay Raïssa Robles
Isinalin sa Tagalog ni Cha Datu
Pag-unawa sa Eleksyon – “Part 1″
May mga nagtatanong kung sino ang mga iboboto ko para sa pagka-Senador ngayong Mayo. Sa halip na magbigay ng isang listahan, aking ipapaliwanag kung paano ako pipili ng mga ibobotong Senador.
Palagay ko magugulat kayo na dumaraan rin pala kayo sa halos kaparehong proseso, na ang basihan ay ang inyong pakiramdam sa kasalukuyang mga pangyayari sa ating bayan.
Ang tatlong tanong na aking gagamitin sa pagpili ay ang mga sumusunod. Ang bawat isang tanong ay may timbang sa dalawang kasamang katanungan. Ipapaliwanag ko kung bakit sa susunod :
Unang Tanong: Sino ang gusto kong maging Presidente ng Pilipinas sa taong 2016?
Pangalawang Tanong: Anong partido ng pulitika ang gusto kong magpatakbo o magkaroon ng kapangyarihan sa Senado, sa Commission on Appointments, sa Presidential Electoral Tribunal at sa Senate Electoral Tribunal : ang mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino (Pnoy) ba o ang mga kaalyado ni Bise-Pangulong Jejomar Binay?
Pangatlong Tanong: Sinu-sino ang aking mga pansariling pipipiliin para maging Senador?
Ang mga sagot sa una at ikalawang tanong ay may kinalaman sa sagot sa pangatlo – Sino ang aking mga pansariling pipiliing maging Senador?
Aking tatalakayin muna ang una at ikalawang tanong at ang pangatlo naman ay sa susunod ko nang pagsulat.
UNANG TANONG: Sino ang gusto kong maging Presidente ng Pilipinas sa taong 2016?
Ang eleksyong ito ay napaka-kakaiba sa mga nakaraang eleksyon nagaganap sa kalagitnaan ng pamumuno ng isang nakaupong Pangulo. Sa pangkaraniwan, ang ganitong eleksyon ay isang pagsukat ng popularidad ng Pangulo at nang pagsang-ayon sa kanyang pamamalakad ng sambayanan.
Ngunit sa pagkakataong ito, ang eleksyon ay magiging isang pagsubok para sa kandidatura ni Binay para maging susunod na Pangulo ng Pilipinas sa taong 2016.
Si Binay lamang ang tanging nagbigay ng tiyakang salita na siya ay tatakbong Pangulo sa 2016. Marahil dahil wala na siyang iba pang pagkakataon kungdi ito.
Sa 2016, siya ay 74 taong gulang na. Bagamat maaaring mabuhay pa siya ng matagal tulad ni Enrile; sa susunod pang eleksyon sa 2022 ay magiging 80 anyos na siya. Masyado na sigurong matanda ito para maging Pangulo pa.
Noong 2011, ipinaalam na ni Binay ang kanyang hangaring maging Pangulo sa 2016. Ibig sabihin, nagkaroon na siya ng dalawang taon upang paghandaan itong eleksyon ngayong 2013. Ang eleksyon ngayong Mayo ay isa lamang paghahanda para sa eleksyon sa 2016.
Ang beteranong pulitiko at Pangulo ng Senado na si Juan Ponce Enrile na mismo ang nagsabi na ang 2013 ay isang pagsubok kung sino ba ang susuportahan ng taong bayan. Ito raw, ayon pa rin kay Enrile, ay isang paghahanda at pagpapasimula ng kampanya para sa 2016.
Mapapansin na nagtatag si Binay ng bago at sariling partido para sa eleksyon ngayong Mayo – ang UNA – o United Nationalist Alliance. Ang UNA ay hindi na ang samahan na naglunsad kay Joseph Estrada para maging kandidato sa pagka-pangulo noong 2010. Sa halip, ito ang samahang magbubunsod sa kandidatura ni Binay para maging Pangulo sa 2016.
Inilalaban ngayon ni Binay ang anak na si Nancy para maging Senador. Si Nancy ay walang karanasan sa pulitika, wala rin siyang sariling pangalang kinikilala sa anumang bahagi ng ating bansa. Maaari natin tuloy sabihing kaya lamang siya nasasama sa Top 12 na kandidato ay dahil lamang sa nadadala siya ng pangalan ng kanyang amang bise-Pangulo, bukod sa isa pang dahilan. Ang isa pang dahilan na ito ay ang mga pangakong binibitawan ni Binay sa mga kandidato para sa mga lokal na posisyon sa mga probinsiya at lalawigan kung kanilang ilalagay ang pangalan ni Nancy Binay sa kanilang mga sample na balota.
Nandiyan din ang paggamit ni Nancy ng apelyidong nagsisimula sa letrang “B”. Ito ay natutunan ko mula sa isang beteranong tao sa pulitika na nagsabing maaari nitong ma-impluwensiyahan ang resulta ng mga “political survey”. Sa paggawa raw ng mga survey na ito, may kinalaman ang pamamaraan ng paglalahad ng mga pangalan ng kandidatong pagpipilian. Sa kasong ito- gagawing “alphabetical” o magsisimula sa mga apelyidong ang unang letra ay “A”.
Sa alpabetikong paglilista, ang pangalan nga naman ni Nancy Binay ay panglima sa listahan ng Comelec. Bukod pa rito, kilala na at sikat na ang pangalang Binay.
Kadalasan ang isang Bise-Pangulo ay pwedeng maupo lamang at magmatyag sa gaganaping eleksyon ng mga senador at lokal na pamahalaan. Ngunit sa pagkakataong ito, si Binay ay abalang-abala sa pangangampanya. Pati ang pagdalo sa birthday party na naging political rally na rin ni Joseph Estrada ay ni hindi na niya nagawa pa. Hindi mo ito pangkaraniwang ginagawa sa isang kaalyado sa pulitika .
Ngunit sa pakiramdam ni Binay ay kailangan siya sa La Union, sa dulo ng Luzon, para mangampanya. Sinabi pa niya sa isang press conference doon na hindi niya malaman kung paano hihingi ng dispensa mula kay Erap. Sinabi na lang daw niya dito na sana siya ay intindihin nito, na kailangan niyang mag-trabaho.
Dito mababasa ang paumanhin ni Binay.
Ang alyadong Estrada at Binay ay isang alyadong bunga ng mga pansariling hangarin ng bawat isa. Halos sinaksak sa likod ni Binay si Estrada noong nakaraang eleksyon ng 2010 nang mangampanya ito para sa kumbinasyong “NoyBi”. Ngunit gayunpaman, pumayag si Estrada na sumali sa UNA, kung saan siya ay number two lamang sa pamumuno. Maaaring isa itong praktikal lamang na pagsasamahan. Walang kai-kaibigan, walang magka-away, walang prinsipyo : tanging mga pulitikal na mga hangarin lamang ang umiiral.
Ipinaglalaban ngayon ni Estrada ang kanyang iiwanang pangalan sa pulitika. Nais niyang mabura ang naging paghushusga sa kanya na “plunder” o pagnanakaw sa kaban ng bayan sa isipang ng taong-bayan sa pamamagitan ng isang pagkapanalo – una bilang Pangulo. At nang hindi ito natupad, ngayon naman bilang mayor ng Maynila. Kailangan niya ng malaking tulong sa paglaban kay Mayor lim. Lalo na ang tulong ni Binay.
Dahil ang Maynila ay isa sa mga lugar kung saan natalo si Estrada kay Aquino noong 2010. Ang nakuhang boto ni Estrada sa Maynila ay 214,517 samantalang ang boto ni PNoy ay 298,217.
Mas marami pa ang nakuhang boto ni Binay sa Maynila kumpara kay Estrada at PNoy. Tumanggap siya ng 375,813 boto noong 2010.
Ngunit ang pinakamarami sa lahat ay si Lim na tumanggap naman ng 395,910 na boto.
Heto muli ang mga nakuhang boto ng apat na pulitiko sa Maynila:
Lim – 395,910 votes
Binay – 375,813 votes
PNoy – 298,217 votes
Estrada – 214,517 votes
Mahirap pa ring masabi kung sino sa dalawang matandang naglalaban para sa nabubulok na siyudad ng Maynila ang mananalo -si Dirty Harry ba o yung naparatangang nagkalap ng Dirty Money.
PANGALAWANG TANONG: Anong partido ng pulitika ang gusto kong magpatakbo o magkaroon ng kapangyarihan sa Senado, sa Commission on Appointments, sa Presidential Electoral Tribunal at sa Senate Electoral Tribunal : ang mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino (Pnoy) ba o ang mga kaalyado ni Bise-Pangulong Jejomar Binay?
May nagsabi sa akin na isang botante sa Cubao, Quezon City na matindi ang pangangampanya ng UNA na bumoto ang mga tao ng “straight UNA” sa Mayo.
Ibig sabihin, iboto ang siyam na opisyal na kandidato ng UNA:
BINAY, Nancy
COJUANGCO, Margarita
EJERCITO, Joseph Victor “JV”
ENRILE, Juan Ponce Jr.
GORDON, Richard
HONASAN, Gregorio
MACEDA, Ernesto
MAGSAYSAY, Milagros
ZUBIRI, Juan Miguel
Sa siyam na kandidatong ito, dalawa lamang ang maaaring manalo, ayon sa survey ng SWS noong Abril:
Nancy Binay
JV Ejercito
Apat ang may laban pa bagamat hirap at gumagapang, ayon pa rin sa survey ng SWS na nabanggit:
Juan Miguel Zubiri
Jack Enrile
Gringo Honasan
Dick Gordon (malayong pang-apat)
Dahil dito ay nasabi ni JV Ejercito noong nakaraang buwan na anim na kandidato ng UNA ang mananalo. Dahil anim lamang ang lumalabas na may laban. At sa anim na ito, dalawa lamang ang siguradong mananalo.
Paano maaapektuhan ng iyong boto ang hahawak ng kapangyarihan sa Senado
Sa ngayon, and mga miyembro ng UNA sa pamumuno ni Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Vicente Sotto ang may hawak sa pamumuno ng Senado.
Pagdating ng July 1, itong tatlo ring miyembro ng UNA ay kasama sa mga maiiwang Senador. Tawagin natin silang Enrile-Binay bloc:
Vicente Sotto
Juan Ponce Enrile
Jinggoy Estrada
Dalawang Senador naman maaaring sumapi sa kampong ito:
Bongbong Marcos (Nationalist People’s Coalition)
Bong Revilla (Lakas Kampi)
Siyanga pala, ang partidong Lakas Kampi ng detenidong dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nagpahayag na kanilang susuportahan ang ilang kandidato ng UNA.
Ang Senado na binubuo ng 24 na Senador ay magbubukas sa July 1 na may 12 bagong Senador.
Makakasama ng mga ito ang limang Senador na mga kaalyado ng UNA:
Juan Ponce Enrile
Vicente Sotto
Jinggoy Estrada
Bongbong Marcos
Bong Revilla
At ang pito na mga kaalyado naman ni PNoy:
Pia Cayetano
Miriam Santiago
Franklin Drilon
Teofisto “TG” Guingona
Manuel “Lito” Lapid
Sergio Osmena III
Ralph Recto
Ibig sabihin, upang maipagpatuloy ng UNA ang paghawak sa pamunuan ng Senado (at kakailangan dito ang 13 na boto), dapat na mapapanalo ng UNA ang hindi bababa sa walo (8) nitong mga kandidato. Sa ngayon, tila imposible ito dahil mukhang anim na pwesto lamang ang makukuha ng UNA bagamat may siyam itong kandidato.
Kung makuha ng UNA ang anim na pwesto, ibig sabihin ay magkakaroon ito ng 11 Senador na nakapwesto.
Marami pa ang bilang na ito. Ngunit maari nga ba ito talagang mangyari?
Dahil mula sa mga kaaalyado ni PNoy, 9 hanggang 12 na ang maaaring manalo ngayong Mayo, ayon sa pinakahuling survey ng SWS:
Loren Legarda
Alan Peter Cayetano
Cynthia Villar
Chiz Escudero
Bam Aquino
Koko Pimentel
Juan Edgardo Angara
Grace Poe
Antonio Trillanes
Ibig sabihin, maaaring mahawakan ng PNoy bloc ang hindi bababa sa 16 na pwesto sa Senado (kung isasali sa siyam ang pitong nabanggit na maiiwan pang mga Senador).
Tungkol naman sa tatlong nasa hulihang mga kandidato ng PNoy bloc:
Jun Magsaysay
Jamby Madrigal
Risa Hontiveros
Sila ay makikipaglaban sa tatlong pwesto sa Magic 12 sa tatlo ring kandidato ng UNA:
Jack Enrile
Gringo Honasan
Juan Miguel Zubiri
Kaya sa pagwawakas-
Yung mga gustong si Binay ang maging Presidente sa 2016, dapat nilang iboto si Jack Enrile, Gringo Honasan, at Migz Zubiri.
Yun namang ayaw maging Presidente si Binay sa 2016, dapat iboto si Jun Magsaysay, Jamby Madrigal at Risa Hontiveros.
Bakit mahalaga ang Senado sa 2016?
Una – Mayroon lamang 26 na nasa pamunuan ng Pilipinas na may karapatang magsabing may suporta sila ng sambayanan. Ito ay ang : Pangulo, Bise-Pangulo, at 24 na Senador.
Pangalawa – May mahalagang papel na ginagampanan ang Senado sa demokrasya sa Pilipinas. Ito ang sumisilip sa mga pagkilos ng Pangulo at ng mga opisyal na ipinuwesto nito. Maari ng bawasan ng Senado ang budget ng gobyerno. Ang bawat Senador ay may malaking pork barrel kaysa sa mga Congressman. Ang Senado rin ang kadalasang nagsisilbing pagsasanay o paghahanda para sa mga nagiging Pangulo ng bansa.
Pangatlo– Ang Pangulo ng Senado ang namumuno sa Commission on Appointments at maaari nitong hindi aksyunan ang pagtatalaga (appointments) ng mga taong pinili ng Pangulo ng Pilipinas para sa mga posisyon sa gobyerno.
Maaari ring tuluyang hadlangan ng mga miyembro ng Commission on Appointments , nanggagaling sa Senado at Kongreso, ang mga gustong ilagay ng Pangulo sa posisyon. Katulad halimbawa ng hindi pagkumpirma sa pagiging Audit Commissioner ni Heidi Mendoza.
Si Mendoza ay nagkataong isang saksi sa kasong kinakaharap ni dating Mayor ng Makati Elenita Binay sa Sandiganbayan, na may kinalaman sa 72 milyong pisong gastusin sa Makati City Hall.
Pang-apat – Sa kamay ng alyansang may kakaibang patakaran at ambisyon sa nakaupong Pangulo ng Pilipinas, maaaring maantala ang mga plano at programa ng Pangulo. Ito ay upang gawing “lameduck” o walang silbi ang Pangulo at nang sa gayon ay mawalan ito ng kabuluhan sa pagboto ng susunod na Pangulo ng bansa.
Maaari bang maging isang parang “rubber stamp” o sunud-sunuran na lamang ang Senado sa Pangulo kung halos lahat ng Senador ay kanyang kaalyado?
Ito ang isinusulong na dahilan ni Honasan upang siya’y iboto ng mga tao. Hinihikayat niya ang mga botante na siguraduhing may balanse sa bilang ng mga Senador mula sa Administrasyon at sa Oposisyon. Ayon sa kanya, kung hindi ito balanse ay masisira ang demokrasya. Ang malayang Senado raw ang siyang makakapagsilbi nang pinakamahusay para sa kapakanan ng bayan.
Bihirang mangyari na ang Senado ay hawak ng mga kaalyado ng isang Pangulo.
Ngunit wala namang dapat ipag-alala si Honasan. Nang mangyari ito noong taong 1987 – noong dalawa lamang ang oposisyon sa Senado (si Enrile at Estrada) – hindi pa rin sumang-ayon ang Senado sa Pangulo sa ilang mahahalagang isyu. Halimbawa, tinutulan pa rin ng Senado ang mga base militar ng Estados Unidos sa ating bansa. Hindi rin nito tinatantanan ang pagsusuri sa mga opisyal ng pananalapi (Finance) sa mga usapin hinggil sa pagkakautang ng Pilipinas. Hindi rin nito sinang-ayunan ang mga pagtatalaga (appointment) ng ilang miyembro ng gabinete tulad nina Miriam Santiago, Augusto “Bobbit” Sanchez at Jose Concepcion, Jr.
Ito ay dahil karamihan sa mga Senador ay nagnanais na sila ay makitang may malaya at sariling pag-iisip. Ilan sa kanila ay nag-iisip na may kakayahan din silang maging Pangulo ng bansa. Kanilang ipinupuwesto ang mga sarili para maging kandidato sa pagka-Bise Pangulo kung hindi man Pangulo mismo. Kaya naman siguro mayroong probisyon sa ating Konstitusyon na maaaring tumakbong Pangulo o Bise-Pangulo ang isang Senador nang hindi mawawala ang puwesto sa Senado kung ito ay matalo.
Sa sitwastong may 24 na kataong may kanya kanyang mataas na pagtingin at pagpapahalaga sa kanilang sarili, ang mga labanan sa Senado ay talaga namang masidhi na.
Magiging mahusay ba ang mga batas na manggagaling sa isang Senadong binubuo ng mga kaalyado ni PNoy o dili kaya ni Binay?
Hindi sa lahat ng pagkakataon. Alalahanin na lang ang Cybercime Law at ang mga pagbabago o “amendments” sa Intellectual Property Code na ipinasa ng mga kapartido ni PNoy at Binay.
Ngunit siguradong kapag napunta ng Senado sa kampo ni Binay, kanilang babawiin ang Reproductive Health Law at babaguhin rin ang ating Konstitusyon.
Kung ano pa man ang mangyari, kailangan pa ring bantayan ng taong bayan ang Kongreso at Senado sa mga isinasagawa nitong mga batas.
Paano naman kung talagang ang ilang kandidato sa Magic 12 ay nakakadiri para sa iyo?
Diyan naman papasok ang iyong mga pansariling pamantayan.
Halimbawa, hindi ko nais iboto ang mga kandidatong may kamag-anak na nasa posisyon tulad nina: Bam Aquino, Cynthia Villar, Jack Enrile, Alan Peter Cayetano, Nancy Binay, JV Ejercito and Juan Edgardo Angara.
Sa aking paniniwala, ang mga political dynasty o mga kamag-anakang namamayani sa pulitika ang dahilan kung bakit mahirap mg ating bansa at taong bayan. Ngunit saka na lang ang talakayan pang marami tungkol sa bagay na ito.
Dagdag pa dito, ayaw ko rin sa mga kandidatong hindi nagbibigay ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na naaayon sa batas at Konstitusyon.
Ngunit katulad ng aking nabanggit na, ang aking mga pipiliin ay may kinalaman sa mga kasagutan sa unang dalawang tanong –
Unang Tanong: Sino ang gusto kong maging Presidente ng Pilipinas sa taong 2016?
Pangalawang Tanong: Anong partido ng pulitika ang gusto kong magpatakbo o magkaroon ng kapangyarihan sa Senado, sa Commission on Appointments, sa Presidential Electoral Tribunal at sa Senate Electoral Tribunal : ang mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino (Pnoy) ba o ang mga kaalyado ni Bise-Pangulong Jejomar Binay?
Kaya naman, sa bisperas ng eleksyon, aking muling susuriin ang aking mga pagpili sa pamamagitan ng tatlong katunungang ito.
Sa mga susunod na araw ay magsusulat ako ng isa pang talakayan hinggil sa pangatlong katanungan. Dito rin masasaad ang mga kandidatong sa aking palagay ay mapapabilang sa Magic 12.
thepaolovalencia says
Maraming salamat po dito! Sana maging tama ang mga desisyong gagawin ng mga kababayan natin sa eleksyon. Bumoto at iparinig ang boses.
raissa says
Walang anuman.
Cha says
Sharing Kaya Natin Movement’s Anti-Vote Buying Campaign video:
Make it Count: Hindi ko Ibenbenta ang Boto Ko
http://www.youtube.com/watch?v=P4CNjKqsM3Y&feature=youtube_gdata_player
emong says
I would say na ito po yung best topic niyo this year.. Keep it up po!