Ni Raissa Robles – Isinalin sa Pilipino ni Cha Coronel Datu –
Magandang umaga. Bago ako magsimula, meron muna akong isang kuwento sa inyo.
Dito sa building na ito, una kong nakilala si Imee Marcos. Siya ang gumanap noon na pangunahing aktor sa tagalog na bersyon ng isang dulang may pamagat sa Ingles na “Animal Farm”. Si Professor Jonas Sebastian ang direktor. At ako naman ang Stage Manager.
Naaalala ko na kinailangang baguhin ni Jonas ang ilang linyang bibigkasin ni Imee sa dulang ito kasi may pagkakahawig ang buod nito sa mga tunay na nangyayari sa ating bansa noong mga panahong iyon. Tungkol kasi ang “Animal Farm” sa isang rebolusyong nadiskaril. Nagkataon naman noon, yun din ang nangyayari sa tinatawag ni Marcos na “Revolution from the Center”. Unti-unti na ring nadidiskaril noon.